Noong unang panahon ang tubig ng dagat ay matabang. Kung kailangan ng mga tao ang asin sila'y tumatawid ng dagat upang kumuha nito sa ibayo. May isang taong ang ngalan ay Ang-ngalo. Siya'y napakatangkad. Pag siya'y nangingisda sa dagat, ang tubig ay hanggang sa tuhod lamang. Kung siya'y naglalakad makikitang ang mga bundok ay kapantay ng kanyang alak-alakan. Malaking lalaki ngunit takot sa langgam. Takot siya sa pugad ng langgam tulad din natin. Isang araw ang mga tao'y naubusan ng asin. Kailangan silang tumawid sa dagat. Naalaala nila si Ang-ngalo at sila'y nag-usap, "Dapat pa ba naman tayong maglayag sa bangka? Atin na lamang usapin si Ang-ngalo. Kung kanyang ilalagay andg isa niyang paa na pahalang sa tubig, tayo'y maaaring maglakad sa pagtawid sa dagat." Sila'y nagkasundo at nagpunta kay Ang-ngalo. "Maaari bang iyo lamang ihalang ang isa mong tuhod sa dagat upang kami'y makalakad at makatawid?" Si Ang-ngalo ay mabait at mabuting kaibigan. Kanyang pinagbigyan ang mga tao sa kanilang kahilingan. Inihalang niya ang isang paa sa dagat upang lakaran ng mga tao. "Huwag kang kikibo,"ang sabi ng mga tao. "Pag kumibo ka, kami'y mahuhulog." Ang mga tao'y malayang nanulay sa paa ni Ang-ngalo. Daladala nila ang kanilang mga supot na sisidlan ng asin. Katulad nila'y mga langgam na naglalakad sa troso. Hindi sinasadya ay kung bakit nang ilagay ni Ang-ngalo and kanyang paa sa dagat, and kanyang talampakan ay napatapak sa pugad ng langgam. Hindi naglaon at ang mga langgam ay gumapang sa kanyang binti. Nang makarating ang kanyang mga kaibigan sa kabilang ibayo, kanyang inalis sa pakakatuon and kanyang binti. "Punuin ninyo ang inyong mga supot. Kung kayo'y handa na ay saka ko ituon uli and aking binti," ang sigaw niya sa mga tao. Nang mapuno na ang mga supot sila'y sumigaw, "Kami'y handa na. Ilagay mo na nag iyong paa, Ang-ngalo. "Huwag kayong magmadali. Hintaying nating makabalikang mga langgam sa kanilang pugad. Saka ko ilagay and aking paa." Nagtawa ang mga tao at sinabi kay Ang-ngalo, "Walang katuturan ang iyong pagkamalaking tao. Katulad ka ng bata. Natatakot ka sa langgam!". Nakiusap ang mga babaeng nagluluto, "Pakidalhin na rito ang asin. Iya'y kailangang-kailangan namin." Napahiya si Ang-ngalo kaya inilagay ang kanyang paa sa dagat. Ang mga lalaking may pasang supot ng asin ay nanulay sa kanyang paa. "Magmadali kayo," ang sabi ni Ang-ngalo, "marami nang langgam sa paa ko." "Kay laking lalaki, ngunit takot sa mga langgam!" ang patawang tugon ng mga lalaki. Ang mga langgam ay nanguyapit sa paa ni Ang-ngalo at kinagat ang kanyang binti, tuhod at paa. "Madali kayo. Hindi ako makatagal! Marami nang langgam sa paa ko. Ako'y kinakagat!". Hindi pansin ng mga lalaki ang tutol ni Ang-ngalo. Patuloy ang mabagal na paglakad nila na parang nagpapasyal. Si Ang-ngalo'y hindi na makatiis sa kagat ng mga langgam. Kanyang hinila at iniurong ang kanyang paa. Ito'y napasawsaw sa tubig ng dagat. Nangahulog ang mga lalaki pati ang kanilang pasang mga supot ng asin. Tinulungan ni Ang-ngalo ang mga tao upang huwag malunod. Sila'y nasagip subalit natunaw ang kanilang asin sa tubig. Mula noon ang tubig sa dagat ay naging maalat.
No comments:
Post a Comment