Ngunit magugulat po kayo na kahit sa Polynesian islands ay maraming salita na halos pareho sa atin: langit (te rangi), isda (ika), mata (mata), inum (inu), babae (wahine), apoy (ahi), bato (kohatu), luha (haea). Sa katunayan, ang word order ng Tagalog at Maori (isa sa mga Polynesian languages) ay iisa: verb-subject-object, halimbawa ay "ibibigay ko ito."
Ito ay nangangahulugan na ang mga ninuno natin ay malayo ang nararating, gamit ang kanilang sasakyang pandagat. Bago pa dumating ang mga taga-Europa, malawak na ang pagbaybay ng mga Malay at Austronesian.
Hindi po ninyo siguro alam na umabot sila ng Africa, kung saan maraming lugar na tumutugtog din ng kulintang (xylophone), pati na sa Madagascar (ang isla malapit sa Africa na pinasikat ng isang animated film). Sa kabilang direksyon naman, papuntang silangan/east, nakarating sila sa Easter Island, lagpas pa ng Polynesian Islands at malapit na sa Chile (na kilala sa malalaking statues).
Ang kultura ng mga Malay, na isang maritime civilization, ay angkop sa maraming isla sa ating panig ng daigdig. At bago pa napadpad o naligaw dito sina Magellan, malawak na ang pakikipag-ugnayan natin sa iba't ibang kultura, maging mga taong galing sa sinaunang Tsina, o sa mga Indian, Arabo, at Persian.
Hindi rin po nakakapagtaka na ang mga Pilipino ngayon ay sanay na sanay sa ibang bansa, at madaling mag-adjust kahit saang panig ng daigdig. Hindi po sagabal ang dagat sa atin; ito po para sa ating mga ninuno ay daan, at daanan.
No comments:
Post a Comment