Noong unang panahon, may mag-asawang nagngangalang Emilio at Marcela. Sila ay may anak na dalagang ang pangalan ay Rufina.
Si Rufina ay laubhang pinalaki sa layaw ng kanyang ama kaya't siya na lamang nagiging dahilan ng pag-aaway ng mag-asawa. Si Rufina ay walang nais gawin kundi humarap sa salamin at mag-ayos ng mukha o kaya'y magtungo sa halamanan at magmasid ng mga bulaklak. Wala siyang hilig sa pag-aayos ng bahay, at kung siya naman ay inuutusan ng kanyang ina ito ay walang matanggap na kasiyahan sa kanyang pag-uutos.
Isang araw, si Aling Sela at si Mang Milyo ay nagkasagutang mabuti tungkol kay Rufina. "Talagang hindi ko na malaman kung paano ang gagawin ko upang maturuan ng wastong pamamhay iyang si Rufina," ang nagagalit na wika ni Aling Sela. "Bakit mo pinapaghihirap ang loob mo?" ang tanong naman ni Mang Milyo. "Hindi ba't tayo'y may mga alila? Bakit hindi sila ang utusan mo kung mayroon kang ibig ipagawa? Bakit si Rufina ang pinipilit mong gumawa ng mga bagay da dapat gawin ng mga alila?". Si Aling Sela ay lalong nagalit. "Paano ko nga ba matuturuan iyang anak mo ng pagpapaka-babae ay sa ikaw ang una-unang nagpapalala? Matuturuan ba iyan ng kahit na ano sa pinababayaan mong magkasungay?" ang galit na galit na wika ni Aling Sela. "Huwag kang magalit," ang amo ni Mang Milyo. "Ang sinasabi ko lamang ay hindi mo dapat ipagawa kay Rufina ang mga bagay na dapat gawin ng mga alila sapagkat tayo'y bumabayad ng mga alila upang may gumawa ng mga bagay na iyan. Bakit pa tayo bumabayad ng mga alila?". "Ang ibig mong sabihin ay wala nang dapat matutuhan ang batang iyan sapagkat tayo'y may mga alila?" ang tanong ni Aling Sela. "Iyan nga ang ibig kong sabihin kanina pa," ang sang-ayon ni Mang Milyo. "At kung tayo'y wala nang kaya sa pagbabayad ng mga alila?" ang patuloy na usisa ni Aling Sela. "A, hindi maaari iyon sapagkat tayo naman ay mayaman," ang sagot ni Mang Milyo. Ang sagot ni Mang Milyo ay lalong nagpagalit kay Aling Sela. "Hindi ako nagtatakang ang anak mo ay magkasungay!" ang nanginginig ang katawang sigaw ni Aling Sela. "Ngayon lamang ako nakakita ng magulang na kamukha mo. Lumayas ka riyan!".
Upang hindi na lumala pa ang usapan, si Mang Milyo ay nanaog ng bahay. Minarapat niya ang mamasyal-masyal muna at kung malamig na ang ulo ni Aling Sela ay saka na siya babalik.
Si Aling Sela naman ay nakaisip manulsi at nang makalimutan niya ang mga pinagsasabi sa kanya ni Mang Milyo.
"Rufina!" ang tawag ni Aling Sela. "Kunin mo nga ang kahon ko ng karayom at sinulid at ako'y manunulsi."
Si Rufina na noon pala ay nakaharap sa salamin at nag-aayos ng mukha ay noon pa lamang sumagot. "Sandali na lang po. Matatapos na ako."
Si Aling Sela ay nagpigil ng galit. Hindi niya ibig na lumala pa ang kanyang kagalitan. "Ano ba? Hindi ka pa ba tapos?" ang usisa ni Aling Sela pagkaraan ng ilang sandali. "Magdala ka ng kahon ng karayom at sinulid." Naghintay pang muli si Aling Sela bago dumating si Rufina sa kanyang silid. At nang dumating ito ay walang dalang kahon. "Wala po akong makitang kahon ng karayom at sinulid," ang pahayag ni Rufina. "Wala kang makita e naroon lamang sa kahon ng mesa mo?" ang pagtatakang wika ni Aling Sela. "Sinabi ko na po sa inyong wala akong makita, e," ang pagalit na tugon ni Rufina. "Bakit, wala ka bang mata? Wala ka na bang nakikita kundi ang isinusurot sa mga mata mo?" Ang pagalit na ring usisa ni Aling Sela.
Si Rufina na noon ay lumabas na ng silid at patungong halamanan ay sumagot nang pasigaw: "Opo, wala po akong nakikita kundi ang isinusurot sa mga mata ko." Ang galit ni Aling Sela ay hindi na napigilan. Nakita niyang si Rufina ay nasa halamanan na at nagmamasid na naman ng mga bulaklak. "Diyos ko! Bakit hindi Mo pa po gawing reyna ng mga halaman ang anak ko at nang hindi na niya ako nilalapastangan? Bakit hindi Mo pa po siya gawing isang halamang may sandaang mata!". Noon din ay nawala sa kinatatayuan si Rufina. Si Aling Sela na dali-daling nanaog upang magsiyasat sa nangyari ay walang nakitang bakas ng kanyang anak saanman siya bumaling. Ngunit sa kinatayuan ni Rufina ay nakita niya ang isang bagong halaman. Ang halamang iyon ay may mahahabang dahong maraming tinik at sa gitna ng mga dahon ay may bungang malaking tila may korona sa ibabaw. Anong himala! Ang bungang iyon ay ligid ng kayraming mga mata!